Biyernes, Disyembre 7, 2012

MATA





Sa unang pagkakataon mga mata’y nagkasalubong
Hindi inaakalang may uusbong na pagtitinginan
Sa paglipas ng panahon
Bawat kurap ay ‘di pinalagpas


Nasundan ang unang pagkikita
Muli na namang nagkita sa hindi inaasahang pagkakataon
Mga mata’y waring nangungusap
Tila may gustong ipahayag

Nagkapalagayan ng loob sa isa’t-isa
Hindi maipaliwanag ang sayang nadarama tuwing magkasama
Waring puso ay tumatalon sa sobrang tuwa
Paningin ay umaaliwalas tuwing ikaw ay nasisilayan

Mahaba-haba na rin ang pinagsamahan bilang magkaibigan
Habang tumatagal lalong lumalalim ang pagkakaibigan
Na nauwi sa malalim na pagtitinginan
Tuwa sa mga mata’y walang kapantay

Mata’y hindi mapakali tuwing siya’y wala sa aking paningin
Sa bawat minuto’y siya ang ibig na masilayan
Puso ko’y tila napapaos na sa walang tigil na pagsigaw ng kanyang pangalan
Sa isipan, ang kanyang mukha ang laging nakikita

Ikaw ay nagtapat na ako’y iyong iniirog; ako’y hindi makapaniwala
Nanlalabo ang paningin
Hindi mawari kung ano ang dapat na isagot
Pagkasambit niya sa mga katagang iyon

Mga mata’y napatitig sa isa’t-isa
Bakas sa mga mata ang naguumapaw na tuwa
Kislap ng mga mata’y walang kaparis
Daig pa ang kislap ng mga bituin sa langit

Dahil sa kagustuhan kong marinig muli
Ang mga salitang kanyang binitiwan
Pilit kong pinapaulit
Munti kong kahilingan
Agad niyang dininig

Ang puso ko’y muli na namang tumalon sa sobrang tuwa
At tila nag-uumapaw ito sa pagmamahal sa kanya
Hindi na napigilan ang bibig na sambitin ang:
“Mahal din kita.”

Masaya ang naging pagsasama ng dalawang puso na dati’y nag-iisa
Nagbibigay kulay at kinang sa buhay ng isa’t-isa
Problema’t pagod ay kayang-kayang pawiin
Basta’t laging magkasama

Sa tuwing tayo ay namamasyal
Tayo ay magkahawak-kamay
Tila ayaw bumitiw sa isa’t-isa
Sabi ko sa kanya:
“tumingin ka na ng gusto mo
sigurado ako na marami kang makikita at magugustuhan
pero tumingin ka na sa lahat ng bagay
huwag lang sa ibang babae”
Ako’y iyong niyakap at sinabing ako lang ang mamahalin
At siya ay akin lamang

Sa paglipas ng panahon ikaw ay nananatili parin sa aking tabi
Lalong kumikinang kislap ng mga mata
Puwing sa mga mata na nagdudulot ng pagluha
Agad nating napapawi

Ngunit dumating ang araw, mga mata mo’y tila nanlabo na
Wala na ang dating kislap sa iyong mga mata
Ang aking iniirog na dati’y laging nasa aking tabi
Ngayo’y bihira na lamang makapiling

Sa tuwina’y ikaw ang laging hanap
Ng mga matang nais masilayan ang dating kislap ng iyong mga mata
Puso ko’y nalulugmok na sa kalungkutan
Isip ko’y hapo na sa kakaisip sa’yo

Sa kanyang pamamasyal kaya ay mayroon na siyang nahanap?
Hiling ko sa Panginoon na sana’y mali ang aking iniisip
Na sana sa kanyang pamamasyal
bagay ang kanyang nakita at nagustuhan

Paano nga ba mababawi ang dating kinang ng iyong mga mata
Na dati’y nakakasilaw at nakakahumaling
Kung sa iyong pamamasyal ikaw ay nakahanap na ng iba
Mata’y ibinaling na pala sa iba

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento